
Sumampa na sa 5,835 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa ngayong taon, ayon sa Department of Health.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region na may 1,733, habang may 632 kaso sa Central Luzon at 561 naman sa Cagayan Valley.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, 19 porsiyentong mas mababa ang kabuuang kaso kumpara sa 7,187 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Bumaba rin ang bilang ng mga nasawi, mula 764 noong 2025 sa 385 ngayong taon.
Gayunman, nagbabala ang DOH na hindi dapat maging kampante ang publiko, lalo na ngayong patuloy ang pagbaha sa ilang lugar.
Paalala ni DOH Epidemiology Assistant Secretary Gerna Manatad, agad maligo gamit ang sabon at malinis na tubig ang sinumang nalusong o na-expose sa baha.
Mahalaga rin umanong magpakonsulta agad upang masuri nang maayos ang kondisyon at matukoy kung kinakailangan ng prophylaxis o preventive medication.
Ang leptospirosis ay bacterial infection na maaaring makuha sa direktang contact sa ihi ng infected animals, gaya ng daga at baboy, o sa mga lugar na kontaminado nito, kabilang ang tubig-baha.
Samantala, inatasan naman ng Department of Education ang mga pampublikong paaralan na paigtingin ang information campaign laban sa dengue at leptospirosis.










