Nagbabala si Health Secretary Teodoro Herbosa nitong Huwebes laban sa pagbili ng mga rabies vaccine na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at ibinebenta sa napakamurang halaga.

Ayon sa kanya, may mga pribadong animal bite centers na umano’y nagbebenta ng mga bakunang ito na hinihinalang smuggled o ipinuslit sa bansa, kaya’t hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA.

Giit ni Herbosa, “Contraband” ang tawag sa mga ito at hindi dapat ibinibenta, lalo na kung hindi tiyak kung epektibo ang mga ito para sa mga nakagat ng hayop na may rabies.

Ibinunyag rin ng DOH na dumoble ang bilang ng mga namamatay dahil sa rabies mula 200 noong 2023 patungong 400 nitong 2024.

Ayon kay Herbosa, 52% ng mga kasong ito ay may kinalaman sa mga alagang hayop na hindi nabakunahan.

-- ADVERTISEMENT --

Kaya’t nananawagan siya para sa mas responsableng pag-aalaga ng hayop, at pinayuhang pabakunahan ang mga alaga tuwing Marso—na sa ilang lugar ay libre na sa tulong ng LGUs.

Babala rin ng DOH sa publiko, huwag basta-basta lalapit sa mga askal o pusang ligaw kahit mukhang mabait, dahil halos kalahati ng rabies cases ay mula sa kontak sa mga galang hayop.