Patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue habang nakatakdang magdeklara ang Department of Health ng national-level outbreak ng nasabing sakit sa bansa.

Batay sa pinakahuling datos mula January 1 hanggang August 10, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 150,354 dengue cases sa buong bansa na katumbas ng 4,700 na mga kaso sa isang linggo.

Ang nasabing bilang ay 39 percent na mas mataas kumpara sa 107,953 na kaso ng dengue sa kaparehong panahon noong nakalipas na taon.

Ito rin ang pinakamataas na naitalang kaso sa nakalipas na limang taon.

Lahat ng rehion maliban sa Soccskargen, Zamboanga Peninsula at Bicol Region ang nakitaan ng pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni DOH Sceretary Ted Herbosa na idedeklara ang national dengue epidemic sa sandaling maabot ang outbreak levels base sa talakayan sa DOH Epidemiology Bureau.

Gayonman, hindi siya nagbigay ng karagdagang detalye ukol dito.

Sa ilalim ng epidemic declaration, pahihintulutan ang pamahalaan na tukuyin kung saan kailangan ang localized response at papayagan ang mga local government units na gamitin ang kanilang quick response fund upang tugunan ang large-scale outbreak.