Pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga paraan upang mapahusay at mapalawak ang benepisyo para sa mga middle-income workers na direktang nagbabayad ng kontribusyon sa insurance fund, ayon sa mga opisyal nitong Sabado.

Kinilala ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sa kasalukuyan, mas nakatuon ang mga programa ng PhilHealth sa mga sponsored members o yaong hindi kayang magbayad ng kontribusyon at sinasagot ng Estado ang kanilang premium.

Ayon kay Herbosa, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PhilHealth na suriin at palawakin ang mga benepisyo para sa mga direct contributors, partikular ang mga kabilang sa middle class.

Sinabi rin niya na iminungkahi ni Executive Secretary Ralph Recto ang ilang posibleng pagpapahusay para sa middle-income contributors, kabilang ang mas maayos na hospital accommodations at karagdagang benepisyo sa ilalim ng Zero-Balance Billing program.

Kabilang sa mga tinitingnang opsyon ang mas kaunting pasyente kada kuwarto at mas maayos na pasilidad para sa mga direktang nagbabayad ng kontribusyon.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din ni Herbosa ang mungkahi na dagdagan ang PhilHealth packages para sa mga ospital na nagpapatupad ng zero-balance billing, bilang insentibo upang mas maraming pampublikong ospital ang sumunod sa naturang programa.

Dagdag niya, ipagagawa sa actuarial team ng PhilHealth ang pag-aaral kung kakayanin ng pondo ng ahensya ang mga panukalang pagpapalawak ng benepisyo.