Patuloy ang isinasagawang pre-registration sa mga batang edad lima hanggang labing isang taong gulang para sa kanilang vaccination na posibleng simulan sa Cagayan Valley pagkatapos ng 3rd round ng National Vaccination Day sa Pebrero 10 at 11, ngayong taon.
Ayon kay Jericko Bryan Cabatutan, assistant manager ng Regional Vaccination Operation Center (RVOC) na ang pagsasagawa ng masterlisting sa mga batang kabilang sa age group ay upang malaman ang alokasyon ng mga ibababang bakuna.
Bukod sa isinaagawang vaccination campaign, hinikayat naman ni Department of Health Regional Director Dr Grace Santiago ang mga kawani ng kagawaran na may anak na kabilang sa naturang age group na mangunang ipabakuna ang kanilang mga anak.
Kasabay nito, makakatiyak aniya ang mga magulang na sasailalim sa training ang mga vaccinator dahil sensitive ang pagbabakuna sa mga bata lalo na at reformulated ang phizer vaccine na ituturok sa kanila.
Sinabi naman ni Asst. Regional Director Dr. Fate Alberto, hindi papayagan ang mga vaccinator na hindi dumaan sa re-training dahil magkaiba ang concentration ng Pfizer vaccine para sa mga 5-11 taong gulang kumpara sa bakuna ng 12-17 anyos.
Tiniyak naman ng DOH na ligtas ang formulation ng bakuna na ituturok sa naturang age group.