Inamin ni Health Secretary Ted Herbosa sa pagdinig ng House appropriations committee na wala siyang ideya kung saan napunta ang malaking bahagi ng P89.9 bilyon na pondo ng PhilHealth na ibinalik sa national treasury noong 2024.

Ayon kay Herbosa, nasa P30 bilyon lamang ang ginamit para sa health emergency allowance ng mga health worker, habang ang natitirang P60 bilyon ay hawak na ng Department of Finance (DOF).

Kinuwestyon ni Rep. Chel Diokno kung bakit hindi napunta ang kabuuang halaga sa mga programang pangkalusugan, gaya ng naunang pangako.

Sagot ni Herbosa, wala siyang tiyak na detalye kung saan ito napunta, ngunit posibleng alam ito ng DOF.

Dagdag pa niya, bahagi ng pondo ay nasa ilalim pa ng temporary restraining order ng Korte Suprema bunsod ng petisyon mula sa Philippine Medical Association at ilang mambabatas.

-- ADVERTISEMENT --

Depensa ni Finance Secretary Ralph Recto, ang P60 bilyon ay ginamit sa iba’t ibang health-related na programa: P27.45B para sa COVID-19 allowances ng frontliners, P10B sa medical assistance, at nalalabi sa pagpapatayo at pagpapalakas ng mga pasilidad ng DOH.

Tiniyak ni Herbosa na kapag naibalik ang pondo sa DOH, ito ay ilalaan sa pagpapalawak ng PhilHealth benefits gaya ng dialysis, cardiac care, at iba pang mahal na gamutan.