Suportado ng Department of Health ang dagdag na budget na hiling ng Department of Agriculture para sa rabies vaccination.

Ito ay bunsod na rin ng pagtaas ng kaso ng fatal rabies sa 13 percent ngayong taon kumpara noong 2023.

Una rito, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kailangan na mabakunahan laban sa rabies ang nasa 22 million na mga aso at pusa sa bansa.

Iginiit ni Tiu Laurel na kailangan ang budget para dito na P110 million.

Ayon sa DOH, suportado nila ang dagdag na DA budget allocation para sa malawakan na animal vaccination program.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, pinaalalahanan ng DOH ang publiko lalo na ang pet owners na pabakunahan laban sa rabies ang kanilang mga alagang hayop at magpabakuna kung sila ay nakagat ng mga ito.

Ayon sa DOH, ang rabies ay isang viral infection na maaaring mailipat sa tao kapag nakagat o nakalmot ng aso o pusa.

May naitala ang DOH na 169 human rabies cases mula Enero hanggang Mayo ngayong taon o mas mataas ng 13 percent sa naitala na 150 cases nitong 2023.