Nanindigan si Justice Secretary Frederick Vida na hindi niya itinuturing na imposible ang patuloy na paghahanap sa puganteng dating kongresista na si Zaldy Co na umano’y sangkot sa kaso ng malversation ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control projects.

Sa isang pahayag nitong Linggo matapos dumalo sa misa sa Church of Our Lady Victorious at Infant Jesus of Prague Shrine, sinabi ni Justice Secretary Vida na patuloy ang koordinasyon ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Europa, kabilang ang pakikipagpulong sa Ministry of Justice ng Czech Republic.

Ayon kay Justice Secretary Vida, kasama sa kanyang panalangin ang tagumpay ng kanilang misyon, pati ang pagpapatuloy ng paghahanap at posibleng pagpapauwi kay dating kongresista Co sa Pilipinas.

Magugunitang umalis ng bansa si dating kongresista Co noong kalagitnaan ng 2025 para sa medical check-up ngunit hindi na bumalik matapos masangkot sa maanumalyang flood control projects.

Si dating kongresista Co ay nagsilbing chair ng House Appropriations Committee at inaakusahan na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa pag-apruba ng pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang kinansela ng pamahalaan ang kanyang pasaporte kasunod ng mga alegasyon mula sa ilang contractor at opisyal ng gobyerno.

Lumabas din kamakailan ang mga ulat ng umano’y pagkakaaresto kay Co sa Czechia, ngunit nilinaw ng mga awtoridad na hindi pa ito kumpirmado.

Sa kabila ng kontrobersiya, sinabi ni Justice Secretary Vida na nananatili siyang nakatuon sa kanilang mandato. Aniya, kung kinakailangan ay hihingi sila ng gabay sa Diyos.

Ikinuwento rin niya ang kanyang pagdalo sa misa na tumalakay sa Good Shepherd o ang mensahe ng paghahanap sa nawawala.