
Sinabi ni Justice Secretary Frederick Vida na hindi mauuwi sa wala ang biyahe ng pamahalaan sa Czech Republic kaugnay ng kaso ng dating kongresista na si Zaldy Co.
Sa isang briefing sa Prague, sinabi ni Justice Secretary Vida na makikipagpulong sila sa mga awtoridad ng Czech para alamin ang kalagayan ni Co, beripikahin ang mga impormasyon, at talakayin ang mga legal na hakbang para sa posibleng pagpapauwi nito sa Pilipinas.
Ayon kay Justice Secretary Vida, may nakalap na silang paunang impormasyon mula sa kanilang koordinasyon sa Prague, ngunit patuloy pa itong sinusuri.
Iginiit din niya na kahit hindi agad maiuwi si Co, may makukuha pa ring resulta ang kanilang misyon at mas malinaw na ang kanilang pag-unawa sa galaw nito sa Europa.
Kinumpirma rin ni Justice Secretary Vida na may dumating na team mula sa Philippine Center on Transnational Crime upang kumpletuhin ang mga dokumento para sa red notice request sa Interpol.
Sa ngayon, wala pang kumpirmadong eksaktong lokasyon ni Co, ngunit sinabi ni Vida na may mga ulat na ito ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng mga awtoridad sa Czech.
Binigyang-diin ni Justice Secretary Vida na nananatiling layunin ng pamahalaan na maiuwi si Co sa Pilipinas upang harapin ang mga kasong isinampa laban dito.









