
Iginiit ng Department of Justice (DOJ) na walang umiiral na batas na nagbabawal sa pamahalaan na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng arrest warrant laban kay Senador Ronald bato Dela Rosa.
Ayon kay DOJ spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, pinapayagan sa ilalim ng Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity ang pagsuko ng isang suspek o inarestong indibidwal sa isang international court o tribunal.
Kasabay ito ng mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa pakikipagtulungan ng gobyerno sa ICC kaugnay ng kaso nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Dela Rosa.
Sinabi rin ng DOJ na mas mainam pa ring hintayin ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa usapin.
Nauna nang naghain sina Duterte at Dela Rosa ng petisyon upang pigilan ang gobyerno sa pakikipag-ugnayan sa ICC at Interpol matapos maaresto si Duterte noong Marso 2025.
Samantala, nananatili si Dela Rosa sa ilalim ng protective custody ng Senado habang kinakaharap ang arrest warrant ng ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs mula 2016 hanggang 2018.










