Itinanggi ng Department of Justice o DOJ ang ulat na nagtangkang tumakas gamit ang drone ang isang South Korean drug lord habang nakakulong sa Pilipinas.

Ayon kay DOJ Undersecretary Ian Norman Dato, nasa South Korea na ang naturang dayuhan mula pa noong Marso at walang na-monitor na pagtatangkang pagtakas gamit ang drone habang ito ay nakakulong sa bansa.

Sinabi rin ni Dato na tiwala ang DOJ sa kahandaan ng Bureau of Corrections laban sa anumang posibleng tangkang pagtakas ng mga Persons Deprived of Liberty.

Samantala, handa umano ang DOJ na imbestigahan ang alegasyon ng special treatment sa dayuhan, ngunit sinabi ni Dato na premature pa ang anumang aksyon batay lamang sa impormasyong hindi tukoy ang pinagmulan.