
Naglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO ang Department of Justice laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court o ICC laban sa kanya.
Ayon kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida, inatasan na rin ang mga awtoridad sa border control na arestuhin si Dela Rosa sakaling tangkain nitong umalis ng Pilipinas.
Nahaharap si Dela Rosa sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y pagpatay sa hindi bababa sa 32 katao mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018.
Nasa protective custody ng Senado ang senador matapos subukang ihain ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang warrant laban sa kanya noong Lunes.
Gayunman, nakalabas umano si Dela Rosa sa Senado pasado alas-2:30 ng madaling araw noong Huwebes kasama si Senador Robin Padilla at hindi pa matukoy ang kanyang kasalukuyang lokasyon.
Kinumpirma rin ni Vida na may umiiral at valid na ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa at natanggap na ng Pilipinas ang kahilingan ng ICC para ipatupad ito.










