TINANGGAP na ng Department of Justice o DOJ ang referral ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG para sa pagsasagawa ng preliminary investigation laban kay dating Ateneo men’s basketball head coach Tab Baldwin at iba pang kasalukuyan at dating miyembro ng coaching staff kaugnay ng pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes sa Aurora.

Ayon sa DOJ, sasailalim muna sa paunang ebalwasyon ang referral upang matukoy kung kumpleto at sapat ang mga ebidensyang isinumite. Kapag kulang ang mga ito, maaari itong ibalik sa PNP para sa karagdagang imbestigasyon. Ngunit kung sapat ang ebidensya, isasailalim ito sa preliminary investigation.

Nauna nang inirekomenda ng CIDG ang pagsasampa ng reklamo sa ilalim ng Anti-Hazing Act laban kay Baldwin at sampu pang iba matapos lumabas sa imbestigasyon na umano’y isinailalim ang mga manlalaro sa matitinding pisikal na aktibidad at sea-based training bago nalunod sina Rene Baterbonia at Divine Adili noong Hunyo 8 sa Dipaculao, Aurora.

Samantala, sinabi ng Ateneo de Manila University na kinikilala nito ang rekomendasyon ng CIDG at patuloy itong makikipagtulungan sa mga awtoridad sa isinasagawang imbestigasyon.