Patay si Dr. Nixon Cabucana, matapos ang aksidente kagabi sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Si Dr. Cabucana ay isang Gintong Medalya Awardee for Community Development sa taunang Dangal ng Lahing Cagayano 2025.
Batay sa report ng PNP Baggao, papunta sana sa lungsod ng Tuguegarao si Dr. Cabucana sakay ng kanyang kotse nang bilang bumuhos ang malakas na ulan, at hindi niya napansin na ang kanyang dinaanan ay isang makipot na tulay sa Sitio Sinippil, Brgy. Tungel, Baggao.
Bago nahulog ang sasakyan, bumangga ito sa nakatambak na buhangin sa gilid ng tulay, hanggang sa tuluyang dumausdos ito sa ilog.
Agad naman na itinawag ng mga residente sa mga awtoridad nang makita nila ang nahulog at bumaliktad na sasakyan.
Walang kasama ang doktor nang mangyari ang aksidente, kung saan nadatnan siya ng rescuers na nasa loob ng kanyang sasakyan na nakasuot pa ang kanyang seatbelt, subalit nakalubog ang kanyang ulo sa tubig.
Agad siyang sinagip ng mga awtoridad mula sa Rescue 116 at isinugod sa Baggao District Hospital, ngunit idineklara siyang Dead on Arrival (DOA) ng umasikasong doktor.
Nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang mga awtoridad para malaman ang tunay na dahilan ng akisente.