Hinimok ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 ang mga pribadong kumpanya na mag-apply na ng safety seal certification.
Saklaw ng DOLE ang pag-iisyu ng safety seal sa mga pribadong kumpanya o korporasyon na may kaugnayan sa manufacturing, construction sites, utilities, information and communication companies at warehousing industry.
Kasama rin sa itinalagang mag-isyu nito ay ang Department of Tourism, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, Department of Transportation at ang mga local government units (LGUs).
Ayon kay Joel Gonzales, director ng DOLE RO2 na ang safety seal certification ay tanda na sumusunod ang mga pribadong establishimiento sa minimum public health standards na itinakda ng pamahalaan.
Kabilang sa mga ito ang paglalagay ng visible markers para sa pagpapatupad ng social at physical distancing, paggamit ng contact-tracing app na StaySafe.PH application, temperature check at marami pang iba.
Ang StaySafe.PH ang opisyal na tagapag-ulat ng kondisyong pangkalusugan ng bansa, contact tracing at social distancing system na pinahintulutan ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at ng National Task Force Against COVID-19.
Dagdag pa ni Gonzales na ang safety seal ay isang mahalagang inisyatibo ng pamahalaan na naglalayong maging ligtas ang muling pagbubukas ng ekonomiya.
Bagamat boluntaryo ang aplikasyon, hinikayat ni Gonzales ang mga pribadong negosyo at establisimyento na kumuha ng safety certification para tumaas ang kumpiyansa ng publiko.
Payo ni Gonzales, maaaring mag-apply ng safety seal certification sa pamamagitan ng online sa kanilang website o kaya ay personal na isumite ang aplikasyon sa kanilang tanggapan.
Kaugnay nito, inihayag ni Gonzales na mayroon nang sampung establisyimento sa rehiyon ang nag-apply para maisyuhan ng safety seal certificate.