
Nanawagan si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum sa mga local government unit at paaralan na magbigay ng kaalaman tungkol sa pagdidisenyo ng mga bahay na kayang tumagal sa malalakas na lindol.
Ayon kay Solidum, dapat ituro na sa mga estudyante sa high school ang mga katangian ng isang matibay at ligtas na bahay upang mas maunawaan ng publiko ang tamang disenyo ng mga istruktura.
Aniya, mahalaga ito upang hindi madaling malinlang ang mga mamamayan sa mga konstruksyong hindi ligtas, lalo na matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Maasim, Sarangani noong Hunyo 8.
Iminungkahi rin ng kalihim na magbigay ang mga LGU ng kumpletong disenyo at listahan ng materyales para sa mga earthquake-resilient na bahay upang magamit ng mga residente.
Dagdag pa ni Solidum, kailangan ding magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga imprastraktura upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.










