Target ng Department of Tourism (DOT) na makahikayat pa ng mas maraming turista mula sa India na bumisita sa Pilipinas.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco, batay sa datos mula sa ASEAN, mahigit limang milyong turista mula sa India ang bumisita sa mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong 2024.

Sa bilang na iyon, sinabi ni Frasco na nasa humigit-kumulang 79,000 na Indian nationals ang bumisita sa Pilipinas noong nakaraang taon.

Batay sa datos ng DOT, ang India ay nasa ika-13 na pwesto sa bilang ng mga banyagang bisita sa Pilipinas noong 2024, na may kabuuang 78,995 na turista.

Ang bilang na ito ay bahagyang mas mataas kumpara sa 70,286 Indian na bisita noong 2023, at 51,542 noong 2022 nang muling magbukas ang bansa matapos ang pandemya ng COVID-19.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Oktubre 2024, inilunsad ng Department of Foreign Affairs ang electronic visa para sa mga Indian nationals na bumisita sa Pilipinas.