Bumuo ng special committee ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para imbestigahan ang pagguho ng bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela noong nakaraang buwan.

Sa Special Order 35, series of 2025 na may petsang Marso 17 na isinapubliko kamakalawa, sinabi ni DPWH Secretary Manual Bonoan na ang komite ay pamumunuan nina Undersecretary Anne Sharlyne Lapuz bilang chairperson at Undersecretary Eric Ayapana bilang co-chairperson.

Pinangalanan naman bilang miyembro ng komite sina Assistant Secretary Michael Villafranca, Director Alex Bote ng Planning Service at Director Gliricidia Tumaliuan-Ali ng Legal Service.

Inutusan din ang komite na maghanda ng plano sa imbestigasyon na may kaukulang timeline na ihaharap sa opisina ng kalihim sa loob ng tatlong araw mula sa pagpapalabas ng direktiba.

Inatasan din ang komite na magsumiti ng kanilang findings at rekomendasyon sa tanggapan ng kalihim bago matapos ang April 25.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang pagbisita sa Isabela noong Marso 5, na maaaring gumuho ang bahagi ng tulay dahil sa mga depekto sa disenyo.

Matatandaan na gumuho ang third span ng tulay mula sa bahagi ng Cabagan matapos dumaan ang isang dump truck na may kargang mga bato na lagpas umano sa weight limit ng tulay.