
Sinibak sa puwesto ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang maintenance chief ng Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office dahil sa umano’y mabagal na pagtugon sa mga kalamidad at kapabayaan sa tungkulin.
Sa memorandum na may petsang Agosto 29, sinabi ni Dizon na kabilang sa dahilan ng pagkaka-relieve kay Loreto Balena Jr. ang “unsatisfactory performance, lack of urgency, and delayed response to calamities.”
Inatasan din si Balena na kumpletuhin at pirmahan ang lahat ng nakabinbing dokumento at maayos na i-turn over ang mga rekord, papeles at iba pang ari-arian na nasa kanyang pangangalaga.
Samantala, kabilang ang Metro Manila sa mga lugar na nakaranas ng matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat nitong Sabado. Kabilang dito ang Las Piñas, kung saan binaha ang Zapote Junction at pansamantalang naging hindi madaanan.
Dahil dito, nagpakalat ang DPWH ng mga kagamitang panlaban sa baha, kabilang ang mobile pumps, upang makatulong sa mabilis na pagbaba ng tubig sa mga binahang lugar.










