
Pirmado na ang kasunduan sa pagitan ng Department of Public Works and Highways at Professional Regulation Commission na magpataw ng permanenteng kanselasyon ng professional license sa mga empleyadong mapapatunayang sangkot sa substandard o ghost projects.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, mahalaga ang kasunduang ito upang matiyak na may pananagutan ang mga lumalabag at hindi na maulit ang iregularidad sa mga proyektong pampubliko.
Ani Dizon, kailangan ng matibay na ugnayan ng DPWH at PRC hindi lang para papanagutin ang mga sangkot, kundi para mapigilan ang pag-ulit ng ganitong anomalya.
Dagdag pa niya, hindi lamang usapin ng pananagutan ang nakataya, kundi pati ang pagprotekta sa mga institusyon at sa kalidad ng mga proyekto ng DPWH sa mga susunod na taon.
Kasabay nito, hiniling din ng kalihim sa PRC ang permanenteng pagbawi ng lisensiya nina dating DPWH District Engineer Henry Alcantara at ilang empleyado ng ahensya na nadawit sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.