Pinagsusumite ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng listahan ng mga opisina na nag-apruba at nag-award ng mga kontrata ng mga flood control projects sa mga contractors na wala namang kakayahan na gastusan ang mga proyekto.
Sa presentasyon ni Gatchalian, ipinakita niya na kapag ang gagawing proyekto ay aabot ng P450 million ay dapat mayroong P1 billion o higit pa na capital ang contractor o ang kumpanya na nasa quadruple A na category.
Pero batay sa datos na nakuha ng senador kaugnay sa 15 contrators na nakakuha ng 20 porsyento sa kabuuang pondo ng flood control projects, may mga contractors na ang capitalization ay nasa P90 million at P50 million lang, malayo ito sa bilyong pisong capital.
Malinaw aniya na undercapitalize ang mga proyekto kaya nauuwi sa palpak ang mga proyekto dahil walang sapat na capital o pondo at titipirin talaga ito ng mga contractor.
Dahil dito, naniniwala rin si Gatchalian na posibleng may sabwatan at katiwalian sa pag-award ng kontrata ng mga flood control projects at posibleng nilaro lang ang pre-qualification stage sa paggawad ng contract.