Inaprubahan ng Sanggunian Panlalawigan ang isang ordinansa na nagbibigay ng kapangyarihan kay Governor Manuel Mamba na pumasok at lumagda sa isang kasunduan para sa dredging project sa ilog Cagayan.

Una rito, humingi ng authority sa Provincial Board si Mamba upang makalagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Chosen One Land Development Corporation (COLDC) para sa desilting project o pagpapalalim sa Cagayan river.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 2nd district Board Member Vilmer Viloria ang mga panuntunan sa dredging operations, alinsunod sa hangaring mapangalagaan ang kalikasan at kapakanan ng mga komunidad.

Saklaw ng ordinansa ang mga tungkulin ng binuong inter-agency monitoring committee para sa pagbabantay sa operasyon ng dredging company na binubuo ng Department of Natural Resources, Department of Public Works and Highways, Department of the Interior and Local Government at Department of Transportation.

Magkakaroon din ng multi-sectoral monitoring committee na bubuuin sa ilalim ng MOA at idedeploy kasama ang Philippine Coast Guard upang siguraduhin na walang mining na magaganap.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay ng pagbibigay ng otorisasyon sa COLDC ang pagbabayad nito ng P20 milyon na cash bond para sa rehabilitation kung sakaling makitaan ng paglabag sa kanilang operasyon.

Ayon kay Viloria, libre ang dredging operation o paglilinis sa daluyan ng tubig sa bukana ng ilog sa Aparri, kapalit ng buhangin na dadalhin sa reclamation project sa Hong Kong.

Layon ng dredging ang muling pagbubukas ng port of Aparri at ang kabi-kabilang problema na nakita kasunod ng malawakang pagbaha sa lalawigan na dulot ng sobrang babaw ng tubig sa Cagayan River hanggang sa Aparri.

Sakaling may magandang idulot ang pagpapailalim sa ilog, sinabi ni Viloria na maaaring ituloy ang paghuhukay sa Camalaniugan hanggang Tuguegarao City.

Nakasaad din sa ordinansa ang pagkakaroon ng opisina ng COLDC sa lalawigan na tutugon o sasagot sa posibleng reklamo kaugnay sa kanilang operasyon.

Ang COLDC ay Filipino owned dredging company na naka-base sa Alaminos, Pangasinan.

Samantala, sinabi ni Viloria na nasa mahigit P2 milyon ang binayarang buwis sa pamahalaang panlalawigan ng Pacific Offshore Exploration Inc.(POEI) na unang nagsagawa ng dredging sa ilog noong nakaraang taon.

Gayonman, hanggang ngayon ay hindi pa umano naibabalik sa provincial board ang MOA sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at POEI.