Huli sa akto ang driver ng isang mini tanker na nagsasagawa ng paihi o pagnanakaw ng produktong petrolyo sa pamamagitan ng pagsasalin ng gasolina at krudo na karga ng truck sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan.

Kinilala ang suspek na nahaharap sa kasong qualified theft na si Ricky Orteza, 34 anyos at residente ng Brgy. Bulala.

Ayon kay PCAPT Jessie Alonzo, hepe ng PNP Camalaniugan, nakatanggap siya ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay sa iligal na pag-iimbak at pagbebenta ng suspek ng mga nakaw na produktong petrolyo.

Nasabat sa operasyon ang 300 liters ng gasolina at krudo na naisalin sa mga plastic containers na nagkakahalaga ng mahigit P18k.

Nabatid na September 2023 pa nang magsimula sa kanyang iligal na aktibidad si Orteza kung saan modus niya na iuwi sa kanyang bahay ang tanker upang bawasan ang karga nitong langis at ibenta sa murang halaga.

-- ADVERTISEMENT --

Desidido namang ituloy ng may-ari ng pinagtatrabahuang gasoline station mula Allacapan ang kaso laban sa suspek na pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa ng P30K.

Katwiran naman ng suspek na kaya niya nagawa ito ay dahil sa kahirapan at sa maliit na sahod na kanyang natatanggap bilang driver.