Arestado ang isang 62-anyos na lalaki matapos araruhin ng minamanehong pickup truck ang ilang tricycle at tao sa Barangay Ibayo Silangan, Naic, Cavite.

Nakuhanan ng CCTV ang mabilis na takbo ng asul na pickup truck sa Sabang Road at ang tangka nitong pagtakas habang umaatras at umiikot.

Ayon sa pulisya, sugatan ang isang tricycle driver at ang kanyang asawa matapos silang masagasaan habang nakatigil ang kanilang tricycle.

Nasira rin ang apat pang tricycle sa insidente.

Rumesponde agad ang mga pulis na nasa kalapit na kainan at pinaputukan ang mga gulong ng sasakyan upang ito’y mapahinto.

-- ADVERTISEMENT --

Lumabas sa imbestigasyon na lasing ang driver at may kasama pang apat na umano’y kainuman.

Tumanggi itong magbigay ng pahayag habang nakakulong sa Naic police station.

Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries, damage to property, resistance and disobedience to a person in authority, at pagmamaneho habang lasing.