
Niyanig ng magkakahiwalay na drone attacks ang Saudi Arabia, Jordan, at Iraq matapos suspindihin ng Pangulo ng Estados Unidos Donald Trump ang dalawang linggong air strike campaign laban sa Iran. Ayon sa Saudi Arabia, napabagsak ng kanilang air defense ang mga drone na target ang mga pasilidad ng langis sa Riyadh at silangang bahagi ng bansa, at sinabing inilunsad ang mga ito mula sa Iraq ng mga grupong suportado ng Iran.
Samantala, inako ng Houthi rebels sa Yemen, na kaalyado ng Iran, ang pag-atake sa mga oil transit site patungo sa daungan ng Yanbu sa Saudi Arabia bilang ganti umano sa mga drone operation ng Saudi sa kanilang teritoryo. Naiulat din ng Jordan na nakapagpabagsak ito ng dalawang drone, habang sunod-sunod namang drone attacks ang naitala sa mga kampo ng Iranian Kurdish opposition forces sa hilagang Iraq.
Sa kabila ng tigil-operasyon ng Estados Unidos, sinabi ng Iran na hindi ito humihiling ng panibagong usapang pangkapayapaan sa Washington at iginiit na nananatili sa kanilang kontrol ang Strait of Hormuz. Patuloy namang binabantayan ng mga bansa sa rehiyon ang sitwasyon dahil sa pangambang muling lumala ang tensyon at maapektuhan ang pandaigdigang suplay ng langis.






