
Nabuwag ng mga awtoridad ang isang drug den sa lungsod ng Tuguegarao.
Nahuli din ng mga awtoridad sa nasabing operasyon ang tatlong indibidual sa Barangay San Gabriel.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 02 ang mga suspek na sina Alyas JV, 37-anyos, residente ng Brgy. San Gabriel, Alyas Cardo, 21-anyos, residente ng Brgy. Ugac Sur, at si Alyas Niko, 18-anyos, na residente naman ng Brgy. Camasi, Peñablanca, Cagayan.
Matapos na isailalim sa beripikasyon ang ulat kaugnay sa iligal na aktibidad ng mga suspek ay naging mabilis ang naging koordinasyon ng PDEA Region 2 sa mga kaukulang ahensiya para sa paglalatag ng entrapment operation.
Ayon sa PDEA, nakuha mula sa mga suspek ang higit-kumulang isang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,000, higit-kumulang 90 gramo ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P10,800, mga drug paraphernalia, tatlong cellphones, at ang ginamit na buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong suspek.
Naging katuwang ng PDEA Region 02 sa matagumpay na operasyon ang PDEA Isabela Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Group- Special Operations Unit 2 (PDEG-SOU2), Regional Drug Enforcement Unit2 (RDEU2), Provincial Drug Enforcement/Provincial Intelligence Unit (PDEU/PIU), RIU2 PIT Cagayan South, 1st CPMFC, at Tuguegarao Component City Police Station.