
Ibinahagi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec Rex Gatchalian ang iba’t ibang hakbang ng ahensya upang matugunan ang mga hamon at sakuna sa bansa, kabilang ang epekto ng El Niño at climate change.
Bilang tugon sa kasalukuyang suliranin tulad ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at tagtuyot, nagbigay ang ahensya ng tulong pinansyal sa mga driver ng tricycle at jeepney nationwide, pati na rin ng emergency cash transfer sa mga corn farmers sa Isabela at Cagayan na lubos na naapektuhan ng kawalan ng ulan.
Dagdag pa ng Kalihim, malaki ang naging pagbabago at pagpapabuti sa sistema ng pagtugon ng DSWD.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa, naitatag ang national stockpile ng tulong alinsunod sa utos ng Pangulo, kung saan nakaimbak na ang mahigit 4 na milyong pakete ng pagkain sa mga warehouse para sa agarang pamamahagi.
Inilalagay na rin ang mga kagamitan at pagkain sa iba’t ibang lugar bago pa man dumating ang sakuna, habang may otomasyon ng mga repacking hubs sa Metro Manila at Cebu na kaya nang magrepack ng hanggang 10,000 food packs kada araw na mas mataas kaysa dati.
Kasabay ng pagtugon sa tagtuyot, patuloy ding binabantayan at tinutugunan ng ahensya ang iba pang panganib tulad ng aktibidad ng Bulkang Mayon, Kanlaon, at Bulusan.
Ayon kay Gatchalian, ang layunin ay ang araw-araw na paghahanda at hindi lamang pagkilos kapag may paparating na sakuna, upang masiguro ang kaligtasan at tulong sa mamamayan sa anumang oras ng krisis.










