
Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ngayong Nobyembre 28 ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer (ECT) sa 11,144 rice farmers mula sa 15 local government units sa Cagayan na naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng tig-P5,250 na ayuda mula sa kabuuang P58.5 milyong pondong inilaan para sa payout ngayong araw.
Bahagi ito ng programa ng DSWD na naglalayong matulungan ang kabuuang 33,072 rice farmers mula sa 25 bayan at isang lungsod sa lalawigan, sa ilalim ng pondong aabot sa P173.6 milyon.
Ipinagkakaloob ang ayuda sa apat na pay-out sites kasunod ng deklarasyon ng state of calamity sa Cagayan dahil sa matinding epekto ng El Niño sa agrikultura.
Tiniyak naman ni Gatchalian na nakahanda rin ang DSWD na magbigay ng tulong sa iba pang sektor ng agrikultura, kabilang ang mga high-value crop farmers na naapektuhan ng tagtuyot.
Ayon sa kalihim, makikipag-ugnayan sila sa pamahalaang panlalawigan upang matukoy ang mga susunod na sektor na maaaring mabigyan ng ayuda.
Maaari ring gamitin ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa kalamidad, hindi lamang para sa gastusing medikal at pagpapalibing.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang maging maagap ang pamahalaan sa paghahatid ng tulong upang makatulong sa agarang pangangailangan at pagbangon ng mga magsasakang apektado ng El Niño.










