Nagbigay ng kabuuang P80,000 na tulong pinansiyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa mga pamilyang naiwan ng tatlong nasawing minero sa Quezon, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Lourdes Martin, Information Officer ng Disaster Response and Management Division ng DSWD Region 2, bawat pamilyang naulila ay nakatanggap ng tig-P10,000 bilang burial assistance at karagdagang tig-P10,000 sa ilalim ng cash relief assistance program.

Bukod pa rito, nagbigay din ng tig-P10,000 sa dalawang nakaligtas sa insidente.

Maliban sa pinansiyal na ayuda, nagkaloob din ang DSWD ng mental at psychological support para sa mga naiwang pamilya, gayundin ng family food packs upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Dagdag pa ni Martin, ina-assess na rin ngayon ng ahensiya ang iba pang posibleng tulong na maaaring ibigay sa mga apektadong pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, tiniyak ng DSWD na bibigyan din ng tulong ang isa pang nasawing biktima mula sa Ifugao.

Matatandaang nasawi ang tatlong minero na sina Daniel Segundo, 47 anyos; Florencio Indopia, 63 anyos; at Lapihon Ayudan, 56 anyos, kasama ang isang volunteer rescuer na si John Philip Guinihid, matapos ma-trap sa loob ng isang minahan sa Sitio Balcony, Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.