Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layon nilang makapagparehistro ng kabuuang 750,000 mahihirap na pamilyang kulang sa pagkain sa ilalim ng Walang Gutom Program (WGP) sa susunod na taon.

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa panayam sa Dobol B TV, kasalukuyang nasa 300,000 na kabahayan ang nasasakupan ng programa, at plano nilang magdagdag ng 300,000 bago matapos ang taon, at karagdagang 150,000 pagsapit ng 2026.

Ipinaliwanag din ni Dumlao na ang target na bilang ay batay sa datos mula sa DSWD at Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa ngayon, ipinatutupad lamang ang programa sa Metro Manila, Cebu, at CARAGA region.

Dagdag pa ni Dumlao, bibigyan din ng prayoridad ang mga mahihirap na pamilya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang inaayos ang mga partikular na lugar, bilang ng benepisyaryo, at akreditadong tindahan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay maaaring makabili ng bigas sa halagang P20 kada kilo gamit ang kanilang electronic benefit transfer (EBT) card na may lamang P3,000 kada buwan.