Hinimok ng Toxic Watchdog group na Ban Toxics ang Department of Trade and Industry (DTI) at Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng listahan ng mga rehistradong manufacturer ng school supplies para magabayan ang publiko sa pamimili sa nalalapit nba pasukan.
Kasunod ito ng nadiskubre ng grupo na mataas na lebel ng toxic lead sa ilang ibinebentang kiddie backpacks sa Metro Manila na nagkakahalaga ng P150 at walang tamang labeling gaya ng manufacturer.
Ayon kay Thony Dizon, toxics campaigner ng grupo, lubhang mapanganib sa kalusugan lalo na sa mga bata ang lead kung ito ay kanilang malanghap o dumikit sa kanilang balat.
Inalerto din ng grupo ang DTI, FDA at lokal na pamahalaan na paigtingin ang on-site inspection upang masiguro ang quality at safety standards ng mga ibinebentang supplies sa mga pamilihan.