Screenshot

Itinampok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang agresibong pagpapalawak ng mga free trade agreement o FTA ng administrasyong Marcos bilang isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-angat ng Pilipinas sa kategoryang upper-middle-income country ng World Bank.

Ayon sa DTI, umabot na sa 23 free trade agreements at international partnerships ang naitatag ng bansa, na nakatulong upang mapalawak ang access ng mga produktong Pilipino sa pandaigdigang merkado at mapataas ang kompetisyon ng mga lokal na exporter.

Kinumpirma kamakailan ng World Bank na umabot sa 4,850 U.S. dollars ang gross national income (GNI) per capita ng Pilipinas noong 2025, mas mataas sa itinakdang threshold na 4,636 U.S. dollars para maituring na upper-middle-income economy.

Sinabi rin ng DTI na nakatulong sa pag-angat ng ekonomiya ang mataas na antas ng pamumuhunan at paglago ng export sector.

Umabot sa P1.56 trilyon ang inaprubahang investments ng Board of Investments noong 2025, habang nakapagtala rin ng 15.2 porsiyentong paglago sa export revenues sa parehong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, patunay ang naturang milestone ng patuloy na pagpapatupad ng mga repormang pang-ekonomiya na nagpalakas sa pandaigdigang kompetisyon at katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas.