Sinuri ng Department of Trade and Industry (DTI) ang suplay ng mga bulaklak, kandila at bottled water bago ang paggunita ng Undas 2026 upang matiyak ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin.

Bumisita si DTI Secretary Cristina Roque sa Dangwa Flower Market sa Maynila upang tingnan ang suplay ng mga bulaklak at hikayatin ang publiko na bumili ng lokal na produkto bilang suporta sa mga lokal na magtatanim.

Nilinaw naman ni Roque na hindi saklaw ng regulasyon ng DTI ang presyo ng mga bulaklak. Ayon sa isang tindera, mas mura ang lokal na bulaklak kaysa imported, bagama’t maaaring magkaroon ng bahagyang pagtaas ng presyo kapag mataas ang demand.

Sinuri rin ng ahensya ang suplay at presyo ng mga kandila sa isang supermarket sa Blumentritt, Maynila. Ayon kay Roque, sapat ang suplay ng abot-kayang kandila at walang nakatakdang pagtaas ng presyo ng basic necessities at prime commodities hanggang Disyembre 31, 2026.

Samantala, tiniyak din ng mga manufacturer sa DTI na sapat ang suplay ng bottled water sa kabila ng banta ng Super El Niño.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Roque, may mga pasilidad na kayang gumawa ng 65,000 bote kada oras, at halos 200 planta ang kanilang minomonitor.

Dahil dito, hinimok ng DTI ang publiko na huwag mag-panic buying o mag-imbak nang labis dahil sapat ang suplay ng bottled water sa bansa.