Inanunsyo ng Bombo Radyo Philippines, ang number one and most trusted source of news and information, ang kanilang taunang bloodletting campaign na “Dugong Bombo: A Little Pain, A Life to Gain” sa darating na Nobyembre 15, 2025, Sabado.
Gaganapin ito nang sabay-sabay sa 25 pangunahing lugar sa buong Pilipinas kung saan nakabase ang 32 fully digitalized AM at FM stations ng Bombo Radyo.
Ang proyektong ito, na isinasaayos sa pakikipagtulungan ng Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. at ng Philippine Red Cross, ay kinikilalang pinakamalaking one-day bloodletting drive sa bansa.
Layunin ng kampanya na makalikom ng dugo upang matugunan ang patuloy na pangangailangan ng dugo sa buong bansa at hikayatin ang bawat Pilipino na maging bayani sa simpleng paraan ng pagbibigay ng dugo.
Noong nakaraang taon, nakapangalap ang Dugong Bombo ng mahigit 2.1 milyong cc ng dugo, na katumbas ng 2,081 litro, 550 galon, o 10 drum ng dugo.
Binibigyang-diin ng Bombo Radyo na sa kabila ng pag-unlad ng agham, wala pa ring nadidiskubreng pamalit sa dugo ng tao at patuloy na tumataas ang pangangailangan nito.
Kabilang sa mga handog para sa mga magdo-donate ng dugo ay commemorative Dugong Bombo T-shirt para sa mga unang makararating, Blood Donor’s Certificate, at libreng hot meal (lugaw) at inumin bilang pasasalamat sa kanilang partisipasyon.
Kaugnay nito hinihikayat ng Bombo Radyo ang mga tagapakinig, partners, at lokal na komunidad na makiisa sa kampanyang ito na hindi lamang nagliligtas ng buhay kundi nagsusulong din ng malasakit at bayanihan.
Ang sinumang nais magparehistro ay maaaring makipag-ugnayan o bumisita sa pinakamalapit na Bombo Radyo o Star FM station.