Itinanggi ng defense team ni Vice President Sara Duterte na hindi sila handa sa unang araw ng pre-trial conference ng impeachment proceedings laban sa kanya.

Ayon sa tagapagsalita ng depensa na si Michael Poa, walang basehan ang mga pahayag na hindi sila nakapaghanda para sa pagdinig at iginiit na matagal na silang naghahanda para sa kaso.

Giit ni Poa, hindi niya alam kung saan nagmumula ang mga alegasyon ng kakulangan sa preparasyon, at binigyang-diin na handang-handa ang kanilang panig sa pagharap sa proseso.

Dagdag pa niya, kumpiyansa ang depensa na ang kanilang paghahanda ay makikita sa mga rekord ng impeachment proceedings.

Ang pre-trial conference ay bahagi ng paghahanda para sa impeachment trial na tumutok sa pag-ayos ng mga ebidensiya at isyu bago ang pormal na paglilitis.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa ulat, natapos lamang sa unang araw ang pagmamarka sa ebidensiya para sa tatlo sa mga artikulo ng impeachment, habang ang natitirang bahagi ay ipagpapatuloy sa susunod na pagdinig.

Ang impeachment proceedings laban kay Duterte ay nakatakdang ipagpatuloy sa Hunyo 22.