Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na higit na dapat manaig ang soberanya ng Pilipinas kaysa sa anumang dayuhang hukuman o bansa, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon para sa writ of habeas corpus kaugnay ng pagkakaaresto at paglilipat sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).

Sa inilabas na pahayag nitong Miyerkules, iginiit ni Sara na dapat manatiling pangunahing prayoridad ang pagprotekta sa buhay, kalayaan at mga pangunahing karapatan ng bawat Pilipino.

Kinuwestiyon din ng Bise Presidente ang pagbasura sa mga petisyon dahil aniya, nakasalalay dito ang mahahalagang usapin tungkol sa soberanya ng bansa, pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon at tungkulin ng pamahalaang protektahan ang mga mamamayan laban sa pakikialam ng ibang bansa.

Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema ang pinagsamang petisyon dahil wala na sa kustodiya o kontrol ng mga opisyal ng Pilipinas si dating Pangulong Duterte matapos itong mailipat sa ICC sa The Hague, Netherlands noong Marso 2025.

Gayunman, nilinaw ng Kataas-taasang Hukuman na hindi nito pinagpasiyahan kung naaayon sa batas ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa ICC o kung nalabag ang kanyang mga karapatang konstitusyonal.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng kampo ni Duterte na naghahanda silang magsampa ng motion for reconsideration upang kuwestiyunin ang desisyon ng Korte Suprema.