Itinakda ang unang pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw na ito sa International Criminal Court (ICC) para sa kinakaharap nitong kasong crimes against humanity bunsod ng madugong war on drugs.

Haharap si Duterte sa mga hukom para sa pagdinig, kung saan ilalahad sa kanya ang mga krimen na kanya umanong ginawa, maging ang kanyang mga karapatan bilang defendant.

Inakusahan si Duterte ng crimes against humanity dahil sa mga nangyaring pagpatay sa ilang taon na kampanya laban sa mga drug users at pushers, na ayon sa human rights groups ay kumitil ng libu-libong katao.

Samantala, nasa The Netherlands na si Vice President Sara Duterte para suportahan ang kanyang ama, matapos na ituring ang pag-aresto sa kanyang ama na oppression at persecution, kung saan humingi ang pamilya Duterte ng emergency injunction sa Korte Suprema para pigilan sana ang paglipat sa matandang Duterte sa The Hague.

Subalit, umaasa naman ang mga biktima ng war on drugs na haharapin ni Duterte ang hustisya dahil sa kanyang mga ginawang krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa isang abogado ng mga biktima ng war on drugs, nagpapasalamat sa Diyos ang kanilang mga kliyente dahil sa wakas ay narinig ang kanilang mga panalangin.

Sinabi ng abogado na ang pag-aresto ng ICC kay Duterte ay isang senyales para sa international criminal justice, at nangangahulugan ito na “no one is above the law.”