Inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na handa niyang harapin ang kanyang warrant of arrest na inilabas umano ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kanyang war on drugs.

Binigyang-diin niya na haharapin niya ito bilang isang abogado at hindi siya tatakas sa ibang bansa.

Iginiit din ni Duterte na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang mga ginawa noong siya pa ang pangulo.

Itinanggi din niya ang mga haka-haka na pumunta siya sa Hong Kong nitong nakalipas na linggo para umano takasan ang kanyang warrant of arrest.

Sinabi ni Duterte na pumunta siya sa Hong Kong bilang isang bisita, at kung magtatago daw siya ay dito sa bansa at hindi raw siya mahahanap.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na nitong Linggo, sinabi ni Duterte na may nakuha siyang impormasyon na may inilabas ng warrant of arrest mula sa ICC.

Subalit iginiit niya na ginawa niya ang nararapat para panatilihin ang kaligtasan sa bansa noong panahon ng kanyang administrasyon.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang ICC Office of the Prosecutor sa umano’y arrest warrant laban kay Duterte, na nagpatupad ng madugong war on drugs.

Sinabi naman ng Malacañang na wala silang natatanggap na anomang impormasyon tungkol sa umano’y Interpol Red Notice laban kay Duterte.