Kinumpirma ng Malacañang na nasa kustodiya ng mga awtoridad si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang arestohin dahil sa crimes against humanity.
Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Office, nang dumating si Duterte sa Manila kanina, isang prosecutor general mula sa International Criminal Court (ICC) ang nagsilbi ng kanyang warrant of arrest.
Ayon sa PCO, kaninang madaling araw ay natanggap ng Interpol Manila ang official copy ng warrant of arrest mula sa ICC.
Mula sa NAIA Terminal 3, idiniretso si Duterte sa Villamor Airbase, at posibleng dalhin siya sa PNP custodial center.
Kaugnay nito, hinamon ni Duterte ang mga umaresto sa kanya ang ligal na basehan kung bakit siya dinala sa Villamor Airbase.
Ayon sa kanya, hindi kusang-loob ang kanyang pagsama sa Villamor Airbase at isa itong paglabag sa kanyang karapatan.
Binigyang-diin naman ni Atty. Silvestre Bello III, isa sa legal counsel ni Duterte na iligal ang pag-aresto kay Duterte dahil wala umanong naipakitang warrant of arrest.
Una rito, sinabi ni Duterte na handa niyang harapin ang kanyang warrant of arrest ICC kaugnay sa kanyang war on drugs.
Binigyang-diin niya na haharapin niya ito bilang isang abogado at hindi siya tatakas sa ibang bansa.
Iginiit din ni Duterte na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang mga ginawa noong siya pa ang pangulo.
Itinanggi din niya ang mga haka-haka na pumunta siya sa Hong Kong nitong nakalipas na linggo para umano takasan ang kanyang warrant of arrest.
Sinabi ni Duterte na pumunta siya sa Hong Kong bilang isang bisita, at kung magtatago daw siya ay dito sa bansa at hindi raw siya mahahanap.
Sa records ng PNP, 6,000 ang napatay na mga drug suspects sa police operations noong Duterte administration, subalit ayon sa human rights groups, aabot ang mga madugong drug war sa 30,000.