Naniniwala ang mga abogado ng mga biktima ng drug war na hindi makaiiwas sa pananagutan si dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa magpakita siya ng senyales ng paghina ng kalusugan sa nakatakdang pagdinig sa Pebrero 23.

Gaganapin ang confirmation of charges hearing sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands. Halos isang taon nang nakadetine si Duterte sa Scheveningen prison complex.

Ayon kina human rights lawyers Kristina Conti at Neri Colmenares, hindi dapat mailihis ng anumang “shock factor” ang atensyon mula sa mga kasong crimes against humanity na kinahaharap ng dating pangulo kaugnay ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Batay sa ulat ng tatlong eksperto na itinalaga ng Pre-Trial Chamber I, may sapat na mental capacity si Duterte upang maunawaan at makalahok sa mga pagdinig.

Nahaharap siya sa tatlong bilang ng murder kaugnay ng pagkamatay ng 76 katao at attempted murder sa dalawa pa. Isasagawa ang mga pagdinig sa Pebrero 23, 24, 26 at 27.

-- ADVERTISEMENT --