Maliit umano ang tsansa na makakabalik ng bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nahaharap siya sa mga kaso sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Atty. Joel Butuyan, ICC-accredited lawyer, hanggang sa walang ruling ang ICC ay mananatili si Duterte sa The Hague, Netherlands dahil nasa hurisdiksyon na siya ng nasabing korte.
Ayon sa kanya, ang mga posibleng mangyari ay ma-dismiss ang kanyang mga kaso o mabibigyan siya ng interim release, na malabo na mangyari.
Malabo din aniya na makakaapekto sa sitwasyon ngayon ni Duterte ang tinatalakay na mga apela sa Supreme Court, na humihiling na pabalikin siya sa bansa.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang maaresto at ipinadala sa The Hague dahil sa crimes against humanity sa ilalim ng madugong war on drugs noong panahon ng kanyang administrasyon.
Sa kasalukuyan ay tinatalakay ng SC ang mga petitions for habeas corpus na humahamon sa pag-aresto kay Duterte.