Muling tinawag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bangag o gumagamit ng iligal na droga sa proclamation rally ng senatorial candidates ng kanyang partido, ang PDP-Laban kagabi.
Sa kanyang talumpati sa Club Filipino sa San Juan, sinabi ni Duterte na kasama umano niya ang presidente sa hithitan, maging ang isang pulis at militar.
Ayon kay Duterte, hindi naman umano buang, subalit ang bisyo na droga ay pangmatagalan, at aniya magiging ulol si Marcos dahil sa madalas umano na paggamit ng heroin.
Idinagdag pa niya na maaaring aabot pa sa edad 80 si Marcos, subalit pagdating ng nasabing panahon ay hindi na umano siya gumagalaw at nakatayo na lang sa kanyang kuwarto.
Binatikos din ni Duterte ang mataas na presyo ng bigas.
Ayon kay Duterte, walang nagagawa ang Marcos administration para mapababa ang presyo ng bigas na higit umano na nakakaapekto umano sa mga Pilipino.
Samantala, matatandaan na idineklara ng Department of Agriculture ang food security emergency on rice, na ayon kay Marcos ay para mapababa ang presyo ng bigas.