
Mariing binatikos ng kampo ng mga biktima ng “war on drugs” ang umano’y patuloy na pangha-harass ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagpapatuloy ng confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) nitong Pebrero 23, inilarawan ni Atty. Joel Butuyan, ang common legal representative ng mga biktima, ang malubhang sitwasyong kinakaharap ng mga naulila at mga nakaligtas sa bansa.
Sa kaniyang testimonya, tinawag ni Butuyan ang mga panatikong tagasuporta ng dating pangulo bilang mga “mini Dutertes” at “Duterte clones.”
Binigyang-diin ng abogado na ang mga indibidwal na ito ay nahawahan na umano ng “virus of impunity” o kultura ng kawalan ng pananagutan, na ayon sa kaniya ay direktang nag-ugat sa mga polisiya ng nakaraang administrasyon.
Ang naturang manipestasyon ay bahagi ng estratehiya ng mga kinatawan ng biktima upang ipakita sa international tribunal na nananatili ang malawakang epekto ng madugong kampanya kontra-droga kahit tapos na ang termino ni Duterte.
Kasalukuyan pang sinusuri ng mga mahistrado sa The Hague kung may sapat na batayan ang mga ebidensya upang pormal na iakyat sa paglilitis ang mga paratang na crimes against humanity laban sa dating pangulo.










