
Pinasinungalingan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga ulat na libo-libong overseas Filipino workers (OFWs) ang na-stranded dahil sa umano’y deployment ban sa Gitnang Silangan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na wala namang kasalukuyang deployment ban sa rehiyon, sa kabila ng iba’t ibang alert level na itinataas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ilang bansa sa Middle East dahil sa nagpapatuloy na tensyon.
Idinagdag ng ahensya na inatasan ang mga recruitment agency na mahigpit na bantayan ang kanilang mga na-deploy na manggagawa at magbigay ng agarang tulong kung kinakailangan.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ang kanilang layunin ay tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFWs, lalo na sa panahon ng krisis.
Muling iginiit ni Cacdac ang kanilang pangako na suportahan ang mga OFW at kanilang mga pamilya na apektado ng sigalot.
Binanggit din nito na in-update ang kanilang Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) upang mas maipakita ang mga panganib at kondisyon ng seguridad na maaaring harapin ng mga manggagawa sa kanilang mga bansang pupuntahan.
Nauna nang iniulat ng DMW na 4,241 Pilipino ang na-repatriate mula sa Gitnang Silangan hanggang noong nakaraang linggo.
Inaasahan pa ang pagdating ng mas marami pang batch ng mga Pilipinong repatriate sa mga susunod na araw.










