Umaasa si Renato Solidum, secretary ng Department of Science and Technology (DOST) na tatangkilikin ng mga investors at manufacturers maging ang mga local government units ang naimbento na e-tricycle o e-trike ng Cagayan State University, Carig campus, Tuguegarao City.

Nabuo ang e-trike sa pamamagitan ng tulong ng Electromobility Research and Development Center (MIRDC-MEIC) facilities at sa collaboration sa Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST – PCIEERD).

Una rito, pinangunahan ni Solidum ang pag-promote sa e-Trike sa kanyang pagbisita sa lungsod ng Tuguegarao kasabay ng Science and Technology week celebration.

Ipinakilala ni Solidum ang e-Trike sa mga investors at manufacturers at nakipag-ugnayan na rin sila sa mga LGUs para subukan ang e-Trike na ginawa na ng Central Isabela Agri Manufacturing Corporation (CIAMC)sa Isabela at nagpahayag na rin umano ng interes ang General Santos City para sa plano na palitan ang nasa 30,000 na tricycle na pumapasada sa nasabing lungsod.

Ayon kay Solidum, ang e-trike ay gumagana sa pamamagitan ng baterya na kailangan na i-charge sa kuryente.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtatagal ng apat na oras ang charging at kaya nitong bumiyahe ng hanggang 70 kilometers.

Kaugnay nito, sinabi ni Solidum na mayroon nang nilagdaan ang E-Trike Technology Agreement, and the Technology Licensing Agreement sa iba’t ibang partner agencies na naglalayong maisulong at gawing commercial ang nasabing sasakyan sa mas murang halaga.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Florentina Dumlao, technical adviser ng Electromobility Research and Development Center at technical consultant ng CSU na kailangan ang pagtutulungan ng pribadong sektor at pamahalaan upang mapagtagumpayan ang nasabing proyekto.

Kasabay nito, sinabi niya na maaari ding gawing e-Trike ang mga pumapasadang tricycle dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa ngayon aniya ay mayroon nang dalawang unit ng technology converted electric tricycle at limang prototype na bumabiyahe ngayon sa CSU campus.

Pito kabilang driver ang maaaring isakay ng mga nasabing sasakyan.