
Natapos ang kampanya ni Alexandra Eala sa singles event ng Mutua Madrid Open 2026 matapos siyang matalo kay Elise Mertens ng Belgium, 2-6, 1-6, sa Round of 64 sa Caja Mágica sa Spain kagabi.
Ang world No. 44 na si Eala ay hindi nakasabay sa mas bihasang No. 21 at top-ranked doubles player na si Mertens, kaya’t nabigo ang Filipina netter.
Ang nakapanghihinayang na resulta ay sumunod sa kanyang maagang paglabas sa Linz Open sa Austria at Stuttgart Open sa Germany, mas maaga ngayong buwan.
Ito rin ang ikatlong beses na natapos si Eala sa ikalawang round ng Madrid Open, at ikalawang pagkatalo niya kay Mertens matapos ang laban nila sa Jasmin Open Monastir noong 2023.
Sa kabila ng pagkatalo, nakakuha ang 20-anyos na si Eala ng €31,585 o humigit-kumulang P2.2 milyon na premyo matapos niyang talunin si Anastasia Pavlyuchenkova ng Russia, dating world No. 11, sa iskor na 6-3, 6-3 sa opening round.
Hindi pa tuluyang tapos ang laban ni Eala sa Madrid Open dahil sasabak pa siya sa doubles kasama ang kanyang partner na si Zeynep Sonmez ng Turkey.
Sina Eala (world No. 101 sa doubles) at Sonmez (No. 498), na ikaapat na beses nang magkapareha bilang wildcard sa Madrid, ay haharap sa second-seeded na sina Katerina Siniakova (No. 2) at Taylor Townsend (No. 5) sa Round of 16 sa Linggo.









