May malakas umano na ebidensiya laban sa dalawang independent contractors of GMA Network na inakusahan ng sexual harrassment kay actor Sandro Muhlach.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, nakita ng Senate panel na nagsasagawa ng pagdinig sa nasabing issue na may malakas na ebidensiya laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.
Ginawa ni Estrada ang pahayag kasunod nang isinagawang ikalawang pagdinig ng Senate committee on public information sa nasabing issue bilang bahagi ng inquiry in aid of legislation sa mga polisiya ng television networks at artist management agencies may kaugnayan sa mga reklamo ng pang-aabuso at harrassment.
Mariing itinanggi nina Nones at Cruz sa pagdinig ang mga alegasyon ni Muhlach.
Sinabi ng dalawa na ginagamit ang kanilang gender identity upang iugnay sila sa alegasyon ng sexual abuse.
Iginiit ng mga ito na wala silang ginawang masama kay Sandro, kasabay ng apela na sabihin ang totoo.
Kasunod nito, nagsagawa ng executive session ang Senate panel, batay sa kahilingan nina Nones at Cruz, upang talakayin ang ilang bagay, kabilang ang umano’y palitan ng text messages sa pagitan ni Muhlach at Nones bago mangyari ang alegasyong sexual abuse.
Binasa ni Niño Muhlach, ama ni Sandro ang ilang bahagi ng text messages para patunayan na hindi ang kanyang anak ang nauna na nasabing pag-uusap.
Sinabi pa ni Niño na sa unang pulong, humingi ng paumanhin sina Nones at Cruz sa kanya kasama ang isang mataas na opisyal ng TV network.
Subalit, nilinaw ni Nones na ang kanilang paghingi ng paumanhin ay hindi nangangahulugan na inaamin nila ang alegasyon laban sa kanila.