
Nanawagan ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP ng agarang reporma sa gitna ng tumitinding epekto ng inflation, geopolitical tensions, at mabilis na pag-usbong ng Artificial Intelligence o AI.
Sa pagtatapos ng ika-47 National Conference of Employers, inilatag ng grupo ang isang anim na puntong plano upang mapalakas ang ekonomiya at maprotektahan ang mga manggagawa at negosyo laban sa iba’t ibang pandaigdigan at lokal na hamon.
Ayon sa ECOP, kasalukuyang kinahaharap ng bansa ang tinatawag na “poly-crisis,” kabilang ang mataas na presyo ng langis, problema sa supply chain, at patuloy na inflation na nakaaapekto sa trabaho at pamumuhunan.
Kabilang sa mga iminungkahing hakbang ng grupo ang pagpapalakas ng edukasyon at training, responsableng paggamit ng AI, pagprotekta sa mga manggagawa, at pagpapatibay ng good governance at transparency.
Iginiit din ng ECOP na mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga manggagawa upang mapanatiling matatag at kompetitibo ang ekonomiya ng bansa.









