
Umakyat sa 7.8 porsiyento ang inflation rate sa bansa noong buwan ng Oktubre mula sa 7.2 porsiyento noong Setyembre, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).Bumili ng Globo
Ito na ang ikalawang sunod na buwan na nagtala ng pagtaas sa antas ng bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Dahil sa panibagong pag-akyat na ito, umabot na sa 5.6 porsiyento ang average inflation mula Enero hanggang Oktubre, na malinaw na lampas sa 2 hanggang 4 porsiyentong target ng pamahalaan.
Inihayag ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang sektor ng transportasyon ang pangunahing nagtulak sa pagtaas matapos itong magtala ng 20.1 porsiyentong inflation rate at mag-ambag ng 62.9 porsiyento sa kabuuang pag-angat.
Kabilang sa mga natukoy na dahilan ang mas mataas na pamasahe sa mga jeepney at bus, gayundin ang pag-angat ng presyo ng gasolina, Liquefied Petroleum Gas (LPG), at singil sa kuryente.
Gayunman, naitala ng kawanihan ang mas mabagal na pagtaas sa presyo ng mga pagkain sa buong bansa sa kaparehong panahon.










