Muling nagbabala ang EcoWaste Coalition sa publiko laban sa nakalalasong Halloween toys, pintura, at kandila na pawang mabenta ngayong Undas
Ayon kay EcoWaste Coalition chemical safety campaigner Thony Dizon, maging maingat ang mga magulang sa pagbili ng mga mumurahing Halloween toys at costumes dahil hindi dumaan sa kinakailangang quality at safety verification ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga ito.
Ginawa ng Ecowaste coalition ang babala matapos na makitaan ng lead o tingga na mas mataas sa regulatory limit na 90 parts per million (ppm) ang siyam na Halloween decorations kabilang ang apat na pumpkin figurine sets, tatlong jack-o’-lanterns at dalawang toy animals sa 35 na iba’t ibang uri ng Halloween toys gaya ng nakakatakot na headband, mascara, sandata, hammers, at mga blood-stained accessories tulad ng mga pangil at iba pa na isinailalim sa pagsusuri.
Sinabi ni Dizon na nadiskubre nila na karamihan sa mga ito ay may taglay na nakalalasong kemikal, katulad ng lead, habang ang iba naman ay maaaring magdulot ng aksidente sa mga bata.
Pinaalalahanan din ng grupo ang mamamayan na suriing mabuti ang mga kandila at pinturang gagamitin ngayong Undas, dahil sa posibilidad na may sangkap ding nakalalasong kemikal ang mga ito.